ANO NGA BA ANG PAGMAMAHAL PARA SAYO???
Ano nga ba?
Nagmi-mistulang “hello” at “goodbye” lang kasi ito para sa mga mag-boyfriend at girlfriend. O para naman sa mga manyakis ay ibang paraan para sabihing maganda o sexy ang isang babae na napadaan. Ganito ba talaga kadali sabihin ang mga salitang “mahal kita”?
Ito ba yung pag kaya mong gumastos para sa kanya?
Na kaya mong kumain ng tutong at libreng sabaw galing sa karinderya dahil sa pagtitipid para lang mai-libre mo siya ng sine at Jollibee? O kaya naman ay kumuha ng malulupit na trabaho gaya ng taga-bilang ng buhok na nagugupit sa salon o taga-tikim ng beer sa San Miguel para lang makapag-out-of-town kayong dalawa? O kaya naman ay magbenta ng kidney, mata, at iba pang laman-loob para lang mapanood niyong dalawa ang concert ni Justin Bieber? O kaya naman ay kumuha ng malalaking kickback sa tuition mo para lang ma-regaluhan mo siya sa monthsary niyo ng mababagsik na gadget na nagsisimula sa letrang ‘i’? – baka naman i-kick ka sa back ng tatay mo niyan.
Ito ba yung pag oras-oras ay gusto mo siyang makasama at makausap?
Na pag nagpo-post siya sa Facebook ay gusto mo na ikaw ang unang magla-like? Na sa bawat hinga mo ay magmi-miss call o magte-text ka sa kanya kahit yung mga walang kamatayang tanong na “Musta?” at “Ano gawa mo?”, masabi lang na nag-text ka? Na gusto mo palagi kayong magkasabay pumasok at umuwi kahit pa libutin niyo na ang buong NCR, masabi lang na magkasabay kayo? Na gusto mo ay palagi kayong lumalabas tuwing sabado at linggo, kahit sa mga cheap na lugar lang tulad ng katayan ng baboy o junkshop na malapit sa isang landfill, basta makasama mo lang siya?
Ito ba yung kahit gaano siya ka-pangit ay tatanggapin mo pa din siya?
Kahit mukang dumaan sa giyera sa Syria ang mukha niya dahil sa dami ng butas at bulkan nito? Kahit kulay-barnis at namumulaklak ang bungang-araw sa balat niya? Kahit mukang ilong ng kalapati ang ilong niya dahil parang ginawang praktisan ito ni Pacman? Kahit parang ngumingiti at nagsasalita ang mga bilbil niya? Kahit maanghang ang amoy niya sa tuwing sasapit ang hapon dahil sa pawis? Kahit parang nananapak ng panga at nanununtok ng ilong ang amoy ng mga paa niya? O kahit ilang pa-facial, pa-retoke, at dasal sa lahat ng santo, bayani, at kung sino-sino pang kilalang tao na namatay na ay hindi na maaayos ang anyo niya para naman mag-mukha siyang tao?
Ito ba yung kahit masama ang ugali niya ay mamahalin mo padin siya?
Kahit wala siyang pakialam kahit ilang oras ka nang naghihintay sa tagpuan niyo? Na sa sobrang tagal niya ay napaghiwalay mo na ang kape, asukal, at creamer ng Nescafe 3-in-1, nasubaybayan mo na ang isang araw sa buhay ng isang takatak boy, at natuklasan mo na kung bakit nagkakagulo ang mga langgam kapag hinawakan mo ang trail nila? Para lang malaman sa huli na hindi na pala tuloy ang lakad niyo? O kahit pa madami pala kayong pinagsabay-sabay na boyfriend o girlfriend niya at kapag tinanong mo kung bakit niya ginawa sayo ito ay ida-dahilan niya ang walang kamatayang “tao lang ako”? O kahit pa wala siyang pakialam kahit uminom ka ng Zonrox at bumula ang iyong bibig sa harap niya para lang mapansin mo siya? O kahit pa sinisiraan niya ang mga magulang mo, mga kaibigan mo, at ang aso mo kahit alam mong mali siya?
Sa haba ng sinulat ko ay nagtatanong pa din ako.
Wala naman kasing kongkretong paliwanag sa Wikipedia o sa kung saang “how-to” website kung ano ang pagmamahal. Kaya hanggang ngayon ay naguguluhan pa din ako. Paano mo nga ba nasabi o masasabing mahal mo ang isang tao?